Soliloquy

Lahat ng kwento ay may simula, gitna, at katapusan. May mga iba’t ibang tauhan, may mga bida at may mga kontrabida.

Noong bata ako, nakahiligan ko magbasa ng mga fairytales. Nandyan si Cinderella at ang kanyang nawawalang sapatos. Si Snow White at ang nakalalasong mansanas. Si Rapunzel at ang kanyang mahabang buhok. At marami pang iba. Lahat ng kanilang mga kwento ay nagsisimula sa mga katagang “Once upon a time…” at nagtatapos sa “…and they lived happily ever after”.

Once upon a time, in a faraway castle, there lived a young princess. A fair maiden with bright eyes, so pure and innocent, and her hair, so black and majestic… I would love to continue this story, but I cannot. I never knew of a young princess nor went to castles faraway from home. But whenever someone asked me to describe a princess, all I can see was a picture of you inside my head.

However, real life is not a fairytale. Hindi ka naman prinsesa at lalong hindi naman ako ang iyong prince charming. Hindi ka nakatira sa kastilyo at walang kaharian na nasasakupan. Sa madaling salita, mga karaniwang tao lamang tayo. Hindi nagkakalayo ang mga estado sa buhay. Gayunpaman, hindi pa rin kita kayang maabot.

Noong bata ako, nakabasa ako ng isang aklat tungkol sa mga bituin. Nalaman ko na ang araw pala ay isang bituing mas matanda pa kaysa sa ating mundo. Hindi rin pala ito nag-iisa sa kalawakan. May mas matanda at ibang mas bata pa sa ating araw. Nabasa ko rin ang tungkol sa mga bulalakaw. Nalaman ko na hindi pala sila mga talang bumagsak lang sa langit. Magugunaw pala ang mundo kapag nangyari iyon.

Gustung-gusto ko talaga makakita ng bulalakaw. Madalas naghihintay ako at ilang oras tumitingala sa langit tuwing gabi. Marami rin kasing nagsabi na kapag humiling daw sa bulalakaw ay tiyak magkakatotoo. Marami akong mga hiling noon. Bagong damit, bagong sapatos, bagong laruan, mas malaking baon. Nais ko talaga makakita ng bulalakaw, kahit isang beses lang. Ngunit kailanma’y hindi ito nangyari.

Tumanda na ako. Nagsawa na ako maghintay sa mga bulalakaw bawat gabi. Hindi ko naman pala sila kailangang masilayan para matupad ang aking mga hiling. Pero kapag ako’y napapatingin sa bintana, hindi ko pa rin maiwasang bumulong sa hangin. Sinasambit ang hiling na sana’y makasama ka.

Noong bata ako, marami akong mga coloring book. May iba’t ibang uri. Mayroong tungkol sa mga bulaklak, mga uri ng halaman, at iba-ibang klase ng mga hayop. Binilhan din ako ng isang box ng krayola. Uso pa noon ‘yun 64 pieces kahit hindi naman lahat nagagamit. Paborito kong ipangkulay ang asul at pula. Kahit minsan, hindi na akma sa larawan.

Dahan-dahan akong magkulay. Inuuna ang mga gilid, sinusundan ang mga linya para hindi lumagpas. Pagkatapos, saka kukulayan ang loob ng mga litrato. Masyado akong mabusisi kahit na bata pa lamang. Masyadong sigurista at metikuloso. Gustong palaging nasa ayos ang lahat. Walang labis, walang lagpas. Laging sakto o tama lang.

Nakalakihan ko na ang ugaling ito. Lahat ng bagay ay dapat pantay. Sistematiko ang paggawa sa anumang gawain. Pero bakit ganun noon dumating ka? Tila lahat ay nawala sa ayos. Mga bagay ay naging baliko at nawalan ng porma.

Noong bata ako, sinasabayan ko magbasa ng pahayagan ang aking lolo. Tahimik siya magbasa, habang malakas akong bumibigkas ng mga salita. May maiikli at may mahahaba. Mas marami ang hindi maibigkas ng tama. Marami rin akong hindi pa maintindihan. Mahinahon akong tinuturuan ng aking lolo. Binibigay niya ang kahulugan ng mga dayuhang salita.

Minsan na akong sumali sa paligsahan ng pagbigkas. Tala-talatang mga pahayag ang aking kinabisa. Pagkatapos, ipinakita sa harap ng klase. Malakas ang kalabog ng dibdib, nanlamig ang mga kamay. Nagdaan ang mga taon, marami na rin akong natutunang mga bagong salita. Mas mahahaba at mas malalalim pa nga kaysa mga natutunan noong bata ako.

Subalit tila kulang pa rin ang nalalaman kong mga salita. Tuwing kausap kasi kita’y parang tumitigil gumana ang aking utak. Lahat ng mga katinig at patinig ay naghahalo sa aking mga labi. Walang lumalabas na boses. Parang may bara sa aking lalamunan. Napakaraming gustong sabihin, pero nauuwi na lamang sa ngiti.

Lahat ng kwento ay may simula, gitna, at katapusan. Madalas hindi na natin matukoy kung saan nagsimula. Parang itong sinulat na ito. Napakalabo na kaya dapat na wakasan. Sa kabila nito, may mga agam-agam pa rin sa aking isipan. Wakas ba ito? O simula pa lamang? Hindi ko alam.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s